Friday, August 28, 2009

Bilyunaryong Tsinoy at pamilya kinasuhan ng maid (Pilipino Star Ngayon)

Sinampahan kahapon ng mga kasong kri­minal sa Department of Justice ang isang bilyonaryong Tsinoy at pamilya nito dahil sa uma­no’y pang­mamaltrato sa kanilang 18-anyos na katulong.

Kasong maltreatment, serious illegal detention, slavery at frustrated homicide ang isinampa ng biktimang si Mary Jane Solano sa tanggapan ni State Prosecutor Edna Valen­zuela laban kay Mariano Tanenglian, asawa nitong si Aleta, mga anak na si Maximilian at Fayette.

Maliban sa madalas na pananakit, pananampal, at pananadyak, pinagbawalan rin ang biktima na makipag-usap sa tele­pono, cellphone, makipag-usap sa ka­sama, tumawa, umupo sa upuan nila, sumilip sa bintana, manood ng TV, kumain sa kahit anong oras, matulog at magpahinga kapag hindi tapos ang mga trabaho, magbasa ng kahit ano at magsulat.

Bukod dito ay pinagbantaan ng mag-inang Aleta at Fayette na ipapasok siya sa nightclub at ipapakita ang mga hubad na larawan ng biktima na minsang kinunan ng mag-ina.

Para mabuhay, nagtiis ang biktima sa patakas na pagkain ng pagkain ng aso. Natapos lamang ang paghihirap ni Sollano nang mailigtas siya ng pwersa ng Department of Social Welfare and Development.


Source:
Garcia, Gemma, and Ludy Bermudo, Pilipino Star Ngayon (Taon XXIV Blg. 162 p. 3) Published August 28, 2009. Retrieved from
http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=499922&publicationSubCategoryId=92